Nakakita si James Bowen ng kulay-kahel na pusa na nakaupo sa pasilyo ng isang gusali.
Inakala niyang pag-aari ito ng isang kapitbahay, pero naroon pa rin ang hayop makalipas ang dalawang araw. Wala itong kuwelyo, payat ito, may mga gasgas sa mukha, at may impeksiyong sugat sa binti. Walang umangkin dito. Ayon sa kanyang aklat, dinala ni James ang pusa sa isang pansamantalang klinika ng beterinaryo ng Blue Cross at ipinambili ng antibiyotiko ang huli niyang 20 libra—pera na iniipon niya para sa pagkain.


Gusto niya sanang palayain ito matapos ang gamutan, pero sinusundan siya ng pusa saanman siya magpunta, at sumasakay pa nga ito ng bus kasama niya. Pinangalanan niya itong Bob. Kasama si Bob sa balikat niya, tumutugtog si James sa kalye sa Covent Garden at nagbebenta ng magasing The Big Issue. Noong 2007, sumali siya sa isang programang methadone para tumigil sa paggamit ng heroin. “Sa palagay ko, sa munting lalaking ito talaga nauwi ang lahat”, sabi niya.


Umabot nang 52 magkakasunod na linggo sa listahan ng mga pinakamabentang aklat sa England ang kanyang memoir na A Street Cat Named Bob; naibenta ito sa 26 na bansa at iniangkop bilang pelikula. Sino ang nagligtas kanino?

