Bumalik silang lahat. Maliban sa kanya.

50 taong gulang si Domingo Atanacio Quirino, isang magsasaka at manggagawa sa kagubatan sa ejido El Balcón, sa Sierra de Guerrero. Ayon sa Fábrica de Periodismo, 22 araw siyang binihag kasama ng iba pang manggagawang-bukid. Noong Oktubre 15, anim sa kanila ang lumitaw na buhay: sina Everardo, 17; Fidel, 54; Isidro, 32; Eulises, 26; José, 24; at Nicolás, 74. Ayon sa naturang media outlet, mayroon silang mga sugat, mga bakas ng karahasan, at matinding dehydration. Wala si Domingo sa kanila.

Nag-record ng video ang menor de edad niyang anak na lalaki. Sinabi nitong ang tatay niya na lamang ang nawawala, na magsasaka ito, at “hindi ito gumagawa ng gulo”. Hiniling niyang ipaalam sa kanya kung nasaan ang tatay niya para mapuntahan niya ito at maibalik itong buhay, gaya ng ginawa nila sa iba. “Sinasabi nilang may sakit siya, ibalik ninyo siya sa akin, pakiusap, nang buhay”, pagsusumamo niya sa mensahe, ayon sa Sin Embargo.

Hiniling ng mga residente ng El Balcón sa mga awtoridad na ipagpatuloy ang paghahanap sa kanya. Pagsapit ng Oktubre 20, wala pang pampublikong impormasyon tungkol sa kinaroroonan niya.
