Gusto lang ni Andreas Flaten na makuha ang perang dapat sa kanya.

Nagbitiw siya sa isang pagawaan ng mamahaling sasakyan sa Peachtree City, Georgia, noong Nobyembre 2020, sa pamamagitan ng isang liham at dalawang linggong paunawa. Sinabi niyang isang taon siyang nagtrabaho roon at pinanghina siya ng nakalalasong kalagayan sa trabaho. Hindi dumating ang huli niyang tseke sa sahod na nagkakahalaga ng $915. Ayon sa kanya, nangako ang amo niya na babayaran siya sa Enero, saka siya inakusahan na nagdulot ng pinsala sa pagawaan. Humingi siya ng tulong sa Kagawaran ng Paggawa ng estado, ngunit kaunti lang ang naging tagumpay niya.

Noong 8 pm ng Biyernes, Marso 12, 2021, umalis sila ng nobya niyang si Olivia Oxley sa kanilang bahay sa Fayetteville at nakakita ng napakalaking bunton sa daanan ng sasakyan: humigit-kumulang 91.500 baryang tig-iisang sentimo, na nababalutan ng langis o grasa. Nasa ibabaw ng bunton ang isang sobre na may kalakip na payslip niya at isang mapanlait na mensahe. Tinataya ni Flaten na halos 500 pounds ang bigat ng mga ito. Dahil sa bigat, na-flat ang mga gulong ng kartilyang ginamit niya para ilipat ang mga ito.

Nililinis niya ang mga ito sa gabi gamit ang sabon panghugas ng pinggan, suka, at tubig. Umabot nang halos isang oras at kalahati bago niya nahugasan ang ilang daang barya lang. Sinabi ng may-ari ng pagawaan na si Miles Walker na hindi niya matandaan kung iniwan ba niya ang mga ito at na “nabayaran na si Flaten”. Kalaunan, ayon sa Fox News, nag-alok ang Coinstar na tumulong sa mga barya.

